Ang Mga Payong Pagkakapatiran
-
Dapat malaman na ang lahat ng mga nakaraang kasalanan ng isang taong yumakap sa Islam nang buong katapatan ay pinatatawad ng Allah (y) . Ang Propeta (s) ay nagsabi; "Alam ba ninyo na pinapawi ng Islam ang lahat ng nakaraaan (kasalanan)." (Iniulat ni Imam Muslim)
Higit pa rito, dahil sa kagandahang loob at habag ng Allah (y) , ang lahat ng kasalanang nagawa bago yumakap ng Islam ay pinapalitan ng Allah (y) bilang magagandang gawain. Ang Allah (y) ay nagsabi sa "At sila yaong hindi dumadalangin sa ibang ilah (diyos) na itinatambal sa Allah, sila na hindi pumatay ng kapwa-tao na ipinagbabawal ng Allah, maliban sa makatotohanang (makatuwirang) dahilan, at hindi nagkasala ng bawal na pakikipagtalik at sinumang gumawa nito ay makakatanggap ng kaparusahan. Ang parusa ay pag-iibayuhin sa kanya sa Araw ng Pagkabuhay Muli, at siya ay mananatili roon na kadusta-dusta; maliban yaong nagsisi at naniwala at gumawa ng kabutihan; para sa kanila, ay papalitan ng Allah ang kanilang mga kasalanan ng mga mabubuting gawa, at ang Allah ay Laging Nang Mapagpatawad, ang Maawain." Qur'an, Kabanata Al-Furqan, 25:68-70
Tunghayan itong magandang balita mula sa Allah . Ang mga taong yumakap sa Islam mula sa mga Angkan (na pinagkalooban) ng Kasulatan (Kristiyano at Hudyo) ay magkakaroon ng dalawang gantimpala nang dahil sa kanilang paniniwala sa kanilang mga Propeta (s) at sa kanilang paniniwala kay Ang Propeta Muhammad (s) bilang Huling Sugo ng Allah. Ang Allah (y) ay nagsabi, "Yaong sa kanila ay Aming ipinagkaloob ang Kasulatan (ang Tawrat at Injeel) bago pa man ito, sila ay naniwala (sa Qur'an). At nang ito ay bigkasin sa kanila, sila ay nagsabing: "Kami ay naniniwala rito. Tunay na ito ay katotohanan mula sa aming Rabb (Panginoon). Tunay nga na kahit noon pa man kami ay nabibilang sa mga Muslim (taong sumusuko ng mga sarili sa Allah sa Islam (tulad ni Abdullah bin Salam at Salman Farsi). Sa kanila ay ipagkakaloob ang dalawang gantimpala sapagka't sila ay matiisin, at umiiwas sa kasamaan (sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan), at gumugugol (sa kawanggawa) mula sa anumang bagay na ipinagkaloob sa kanila." Qur'an, Kabanata Al-Qasas, 28:52-54;
Ang Propeta ng Allah (s) ay nagsabi; "Sinuman ang yumakap sa Islam mula sa dalawang Angkan (na pinagkalooban) ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano), sila ay magkakaroon ng dalawang gantimpala. Sila ay tatanggap ng mga karapatan na ating tinatamasa at sila ay nararapat magbigay ng mga karapatan tulad ng ating ipinagkakaloob. At kung sinuman ang tumanggap sa Islam mula sa mga Pagano (bukod sa kanila), ay tatanggap ng kanilang gantimpala, at matatamasa nila ang mga karapatan na ating tinatamasa, at sila ay nararapat magbigay ng karapatan na ating ipinagkakaloob." (Iniulat ni Imam Ahmad)
Kaya, bilang bagong yakap sa Islam, kayo ay magsisimulang mamuhay sa ilalim ng relihiyong Islam na ang inyong talaan ay maputi at malinis, kaya naman iwasan ang mga mali at makasalanang gawain.
-
Ngayong inyong nababatid na ang katotohanan, nararapat na maglaan ng sapat na panahon sa pag-aaral ng inyong Deen (Relihiyon). Ang Propeta ng Allah (s) ay nagsabi; "Kung hangarin ng Allah ang kabutihan para sa isang tao, binibigyan Niya ito ng kakayahang maunawaan ang kanyang relihiyon." (Iniulat ni Imam Bukhari)
Maglaan ng sapat na oras sa pag-aaral ng kaalamang nauukol sa 'Aqeedah (Ang Prinsipiyo ng Islamikong Paniniwala), at pagkatapos ay pag-aralan din ang lahat ng mahahalagang kaalaman hinggil sa pang-araw-araw na pamumuhay ng inyong Deen (Relihiyon) tulad ng (Tahara) Paglilinis, (As-Salaah) Pagdarasal at ang mga ibang pangunahing katuruan. Dapat ding matutunan ang mga batas tungkol sa pangangalakal, at paghahanap-buhay, upang sa ganoon ay hindi kayo masadlak sa mga bagay na ipinagbabawal. At nararapat na gawin ang makakaya upang maisaulo ang Aklat ng Allah (ang Qur'an).
Dapat ninyong maunawaan ang inyong Deen (Relihiyon) batay sa wasto at mapagkakatiwalaang pinagmulan nito– ang Qur'an at 'Sunnah' ng Propeta (s).
Gawin ninyong huwaran si Ang Propeta (s) Muhammad at pag-aralan ang kanyang talambuhay upang pamarisan. Kung maaari ay lagi kayong makisama sa mga Maalam na Muslim o sa mga mag-aaral na may tamang kaalaman sa Islam, sila na isinasakatuparan ang anumang kanilang itinuturo.
Dapat malaman na hindi lahat ng nag-aangkin bilang mga Muslim ay tunay na Muslim. Samakatuwid, maging maingat sa sinumang inyong pinagkukuhanan ng kaalaman tungkol sa Islam. Anuman ang inyong nababasa o naririnig ay nararapat na pag-aralang mabuti o isangguni batay sa aral ng Qur'an at Sunnah ng Propeta (ang Sunnah ay dapat nauunawaan batay sa mga paliwanag ng mga napatnubayang mga naunang mabubuting Muslim). Ang Propeta (s) ay nagsabi; "Pinagpapayuhan ko kayo nang may kaakibat na takot (Taqwaa) sa Allah, makinig at sumunod maging sa isang alipin na taga Ethiopia na putol ang paa (kung siya ang inyong maging pinuno). Sa katotohanan, sinuman sa inyo ang mabuhay ng mahabang panahon ay makasasaksi ng mga iba't ibang pagbabago (sa relihiyon). Kaya, dapat na manatili sa aking Sunnah at sa Sunnah ng mga napatnubayang mga Khalifa (pinuno). Humawak nang mahigpit at kumapit sa pamamagitan ng inyong mga bagang (ngiping pang-nguya). At mag-ingat sa mga gawaing Bid'aah (mga gawaing salungat sa aral ng Islam). Sapagka't, katotohanan na ang mga gawaing pagbabago ay Bid'aah (mga gawaing salungat sa aral ng Islam), at bawa't Bid'aah ay (nag-aakay sa) pagkakaligaw (sa patnubay)." (Iniulat ni ibn Hibban at Abu Dawood)
Anuman ang umaayon sa kanyang Sunnah, ito ay dapat kuhanin at sundin, at anuman ang sumalungat ay nararapat na talikdan o iwasan. (Kaya, kung kayo ay nag-aalinlangan ukol sa isang bagay, ito ay dapat na isangguni sa isang mabuti, mapagkakatiwalaan o mapananaligang maalam na Muslim). Ang Propeta ng Allah (s) ay nagsabi; "Ang mga Hudyo ay nagkahati-hati sa pitumput-isang (71) sekta, ang isa ay nasa Paraiso at ang pitumpu ay nasa Impiyerno. Ang mga Kristiyano ay nahati sa pitumput-dalawang (72) sekta, ang isa ay nasa Paraiso at ang pitumput-isa ay nasa Impiyerno. Sa ngalan ng Allah, na Siyang may tangan ng kaluluwa ni Muhammad, ang aking 'Ummah' (pamayanan) ay mahahati sa pitumput-tatlong (73) sekta, ang isa ay mapupunta sa Paraiso at ang pitumput-dalawa ay masasadlak sa Impiyerno.', May nagtanong , 'O Propeta ng Allah, sino ang mapupunta sa Paraiso?' Siya ay sumagot, 'Ang Jamaa'ah." (Iniulat ni ibn Maajah)
-
'Al-Wala at Al-Barra'. Ito ay nangangahulugan na inyong mahalin at makipag-isa sa mga Mananampalataya at inyong kasuklaman ang mga gawain ng di-Mananampalataya at sila ay ituring mong kaaway. Nguni't hindi ito nangangahulugan na sila ay apihin at labagin o kamkamin ang kanilang karapatan. Huwag mo silang kasuklaman nang dahil lamang sa kanilang pagkatao, kundi dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya at maling paniniwala at sa kanilang pagkakaligaw sa tamang landas. Sa ganitong kalagayan, kailangan mo silang anyayahan at gawin ang lahat ng makakaya upang akayin sila sa tamang landas at upang sila ay mailayo sa Impiyerno. (Sa pamamagitan Da 'wah o pagpapaliwanag sa Islam). Mas higit ang pakikipagkaibigan sa mga Muslim kaysa sa di-Muslim at huwag silang tulungan laban sa mga Muslim. Ang Allah (y) ay nagsabi, "Ang mga Mananampalataya, mga lalaki at mga babae, sila ay Awliyaa (tagapagtangkilik, kapanalig, kaibigan, tagapangalaga) sa isa't isa…"Qur'an, Kabanata Al-Tawbah, 9:71;
-
Dapat malaman na sinuman ang yumakap sa Islam ay nakararanas ng masidhing pang-aapi at nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan sa kanilang mga malalapit na kamag-anakan o kaibigan. Alalahanin na ang pagsubok na ito ay nagiging daan upang higit pang umunlad ang ating Iman (paniniwala, pananampalaya at pananalig) nagpapadalisay sa atin mula sa mga kasalanan, at ito ay nagsisilbing isang pagsubok mula sa Allah upang makita ang ating katapatan sa ating relihiyon. Ang Allah (y) ay nagsabi, "Inaakala ba ng sangkatauhan na sila ay hahayaan na lamang sapagka't sila ay nagsasabi: 'Kami ay naniniwala', at sila ay hindi isasailalim sa pagsubok? Katotohanan, Aming sinubukan ang mga tao na nauna pa sa kanila, at katiyakang ipakikita ng Allah yaong mga matatapat at katiyakan din na ipakikita ng Allah yaong mga sinungaling (bagaman ganap na nababatid ng Allah ang lahat bago pa sila sinubukan)." Qur'an, Kabanata Al-Ankaboot, 29:2-3;
Minsan, Ang Propeta (s) ay tinanong; "Sino ba ang mga taong binigyan nang higit na pagsubok? Siya ay sumagot, 'Ang mga Propeta, sumunod ang mga mabubuti (kasamahan) at ang mga sumunod sa kanila at ang mga sumunod pa sa kanila. Ang lahat ng tao ay sinusubukan nang ayon sa kanilang antas ng katapatan sa relihiyon, kung ang kanyang paniniwala ay malakas, siya ay susubukan nang mahigpit at kung ang kanyang pananampalataya ay marupok, ang kanyang pagsubok ay mahina din. Ang tao ay lagi nang bibigyan ng pagsubok at pagsusuri hanggang siya ay lumakad sa ibabaw ng mundo nang walang bahid ng kasalanan (mapasakanila ang kapatawaran sa pamamagitan ng pagsubok)." (Iniulat ni Imam Ahmad)
Dapat malaman na sila (mga di-Mananampalataya) ay hindi magsisitigil sa paghimok sa inyo upang kayo ay mag-alinlangan at kanilang laging ipinaaalala ang mga pag-aalinlangan sa inyo. Kaya naman nararapat na kayo ay magtanong sa mga taong maalam upang maglaho at mapawi ang mga pag-aalinlangan, mula sa Qur'an at sa Sunnah.
-
Ang Da'wah (pagpapalaganap sa Relihiyon ng Allah (y) at ang mga tunay na katuruan mula sa Sunnah. Kayo ay dapat na maalam sa inyong panawagan at pagpapalaganap sa katuruang Islam. Sa ganitong paraan, ang mga alinlangan na inilalahad ng mga kaaway ng Islam ay dagliang maipaliliwanag sa paraang mahusay at matatag. Ang Da'wah (pagpapalaganap ng Islam) ay kailangang batay sa Salita ng Allah (y), "Anyayahan (ang sangkatauhan, O Muhammad) sa Landas ng iyong Rabb (Panginoon) nang may karunungan (sa pamamagitan ng Qur'an) at kaaya-ayang pakikipagtalakayan, at makipagtalo sa kanila sa paraang makabubuti. Katotohanan, ang iyong Rabb (Panginoon) ay higit na nakababatid kung sino ang napaligaw mula sa Kanyang Landas, at (Lubos) Niyang natatalos yaong mga napatnubayan." Qur'an, Kabanata An-Nahl, 16:125;
Kailangang gawin ang lahat ng makakayanan upang mailigtas ang iba mula sa Impiyerno, tulad ng pagkakaligtas sa iyo ng Allah (y) mula rito, at simulan ito sa mga malalapit sa iyo. Dapat laging alalahanin ang Salita ng Propeta (s); "Hindi ako isinugo ng Allah upang magpahirap sa mga bagay, bagkus bilang isang guro at upang gawing magaan ang mga bagay." (Iniulat ni Imam Muslim)
Dapat malaman na mayroong malaking biyayang naghihintay mula sa Allah (y) sa pag-akay sa isang tao upang maging Muslim.Ang Propeta (s) ay nagsabi kay Ali (d); "Kapag ang Allah (y) ay nagpatnubay sa pamamagitan mo kahit isang tao lamang (upang maging Muslim), ito ay higit na mabuti kaysa sa (halaga ng) mundo at ng nilalaman nito.
At katiyakan na kayo ay makatatanggap ng gantimpalang tulad ng mga taong napatnubayan sa pamamagitan ng iyong Da'wah (pagpapalaganap ng Islam) na walang kabawasan sa kanilang gantimpala kahit na katiting. Ang Propeta (s) ay nagsabi; "Sinuman ang mag-anyaya tungo sa tamang patnubay, siya ay makakatanggap ng karagdagang gantimpalang katumbas ng gantimpala ng mga sumunod sa kanya, na walang kabawasan sa kanilang gantimpala kahit na bahagya lamang. Sinuman ang mag-anyaya tungo sa ligaw na landas, siya ay makakatanggap ng kasalanang tulad ng mga kasalanan ng mga sumunod sa kanya, na walang kabawasan sa kaparusahan (ng mga sumunod) kahit na bahagya lamang." (Iniulat ni Imam Muslim)
Dapat malaman na ang Da'wah (pagpapalaganap at pag-anyaya sa Deen [Relihiyong Islam]) sa mga di-Muslim ay isang tungkulin ng bawa't Muslim, kaya huwag magpabaya sa pagsasakatuparan ng tungkuling ito. Ang Propeta ng Allah (s) ay nagsabi: "Ipalaganap sa iba (ang Deen, relihiyong Islam), kahit sa pamamagitan ng isang ayah (talata) lamang." (Iniulat ni Tirmidhi)Gawin mong mahalin ng mga tao ang relihiyong ng Allah (y) . Ang Propeta (s) ay nagsabi; "Magbigay ng magandang balita at huwag maging dahilan upang ang mga tao ay lumayo sa Deen (Relihiyon), gawing magaan ang mga bagay para sa mga tao at huwag gawing mahirap ang mga bagay." (Iniulat ni Imam Muslim)
Dapat mong malaman na ang bunga ng pag-anyaya sa iba para sa Islam ay hindi ninyo pananagutan, dahil ang inyong gawain ay para lamang magpaliwanag at ipakita sa mga tao ang daan ng katotohanan. Ang Allah (y) ay nagsabi, "At sa gayon, Aming ipinadala sa iyo (O Muhammad) ang Ruh (ang Kapahayagan at Habag) ng Aming Kautusan. Hindi mo nababatid (noon) kung ano ang Aklat o kung ano ang Iman (pananalig). Nguni’t ginawa Namin ito (ang Qur’an) bilang Liwanag na nagbibigay (tanglaw) patnubay sa sinuman sa Aming mga alipin na Aming naisin. At katotohanan, ikaw (O Muhammad) ang umaakay (sa sangkatauhan) tungo sa Tuwid na Landas." Qur'an, Kabanata Ash-Shooraa, 42:52-53;
Tungkol sa patnubay sa pagsasakatuparan ng Islam, tanging ito ay nagmumula sa Dakilang Allah . Ang Allah (y) ay nagsabi, "Katotohanan, ikaw (O Muhammad) ay hindi nagpapatnubay sa sinumang iyong naisin, bagkus, ang Allah ang nagpapatnubay sa sinumang Kanyang naisin. At Kanyang nababatid nang lubusan yaong mga napatnubayan." Qur'an, Kabanata Al-Qasas, 28:56;
-
Gawin ang lahat ng makakaya upang makapili ng mga mabubuting kasamahan na maghihikayat at makatutulong sa iyo sa paggawa ng kabutihan, magpapa-alaala at pipigil sa iyo sa paggawa ng kasalanan at magtataguyod o tatangkilik sa buhay mo. Ang Propeta (s) ay nagsabi; "Ang halimbawa ng isang mabuti at masamang kasamahan ay katulad ng isang may dalang pabango at ang isang panday. Ang may dalang pabango ay maaaring magkapagbigay sa iyo ng pabango o maaaring ikaw ay bumili o kahit papaano ikaw ay makaaamoy ng bango nito. Nguni't sa isang panday, maaaring masunog niya ang kanyang damit o kaya ikaw ay makaaamoy nang masangsang na amoy mula sa kanya (panday)." (Iniulat ni Imam Bukhari)
-
Mag-ingat upang hindi makagawa ng kalabisan sa Relihiyon. Walang monastisismo (pagtalikod sa makamundong gawain tulad ng pari, madre o hermitanyo) o pagiging panatisismo sa relihiyon. Ang Dakilang Allah (y) ay nagsabi, "….Ang Allah ay naglalayon na gawing magaan ito para sa inyo at hindi Niya ninanais na gawing mahirap ang mga bagay para sa inyo. (Nais lamang Niya) na isakatuparan sa ganap na kaayusan ang mga itinakdang araw ng pag-aayuno at Siya ay inyong luwalhatiin nang dahil sa patnubay na ipinagkaloob sa inyo upang kayo ay (matutong) magpasalamat sa Kanya." Qur'an, Kabanata Al-Baqarah, 2:185;
Si Anas bin Malik (d) ay nagsabi; "May tatlong taong nagtungo sa pamamahay ng mga asawa ng Propeta na nagtanong tungkol sa pagsasagawa ng pagsamba ng Propeta. Nang kanilang napag-alaman, inisip nilang ito ay magaan para sa kanila at sinabi nila; 'Sino tayo kung ihambing sa Propeta, sa katotohanan pinatawad na siya ng Allah sa kanyang mga nakaraang kasalanang nagawa at sa hinaharap.' Ang isa sa kanila ay nagsabi, 'Ako ay magdarasal sa buong magdamag.' Ang isa naman ay nagsabi; 'Ako ay mag-aayuno araw-araw nang walang patlang,' at ang isa naman ay nagsabi, 'Ako ay lalayo sa mga babae at hindi mag-aasawa.' Nang ang Propeta ng Allah ay dumating (at napag-alaman ang mga ito) ay nagsabi, 'Kayo ba ang nagsabi ng ganito?' 'Sa Ngalan ng Allah , tunay na ako ang may higit na takot sa Allah , at ako ang higit na maingat mula sa inyo, nguni't ako ay nag-aayuno at kumakain, ako ay nagdarasal at natutulog, at ako ay nag-asawa. Sinuman ang tumahak nang lihis sa aking Sunnah, siya ay hindi nabibilang sa akin'." (Iniulat ni Imam Bukhari)
Sa kabilang dako, walang dapat mangyaring kompromiso o mga di-makatwirang kaluwagan sa Deen (Relihiyon) ng Allah (y) U. Ang Propeta (s) ay nagsabi; "Pagkatiwalaan ninyo ako sa aking ipinag-uutos sa inyo. Katotohanan, ang mga nauna sa inyo ay napinsala dahil sa kanilang (lagi nang) pag-aalinlangan, pagtatanong at pagsalungat sa kanilang mga Propeta. Kung pinagbawalan ko kayo mula sa isang bagay, kayo ay lumayo nang ganap mula dito, at kung pinag-utusan ko kayong gumawa ng isang bagay, gawin ang lahat ng inyong makakayanan." (Iniulat ni Imam Bukhari)
-
Marami kayong makikitang mga Muslim na hindi nakatutupad sa kanilang mga tungkulin at hindi umiiwas sa mga ipinagbabawal ng Deen (Relihiyon). Hindi nila tinutupad ang kanilang tungkulin sa pagpapalaganap ng Islam (Da'wah). Sila ay nagkakaiba tungkol dito. Ang iba ay tumutupad sa kanilang tungkulin sa ganap na pamamaraan kaysa sa iba. Isa sa dahilan ay ang pagpupumilit ng Shaytaan na iligaw ang mga anak ni Adan. Ang Allah (y) ay nagsabi, "Ang Satanas [Iblis]) ay nagsabi: “Sa pamamagitan ng Inyong kapangyarihan, katiyakan, na silang lahat ay aking ililigaw (mula sa tuwid na landas),"Qur'an, Kabanata As-Saad, 38:82;
Siya (Iblis) ay nagbanta na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakayanan upang iligaw ang sangkatauhan (ang mga anak ni Adan). Ang Allah (y) ay nagsabi, "At tunay nga, na kayo ay Aming nilikha at pagkaraan, kayo ay Aming binigyan ng hubog (marangal na hubog ng tao), at pagkaraan, Aming sinabi sa mga anghel, “Kayo ay magpatirapa kay Adan” at sila ay nagpatirapa nguni't hindi ang Iblis (ang Satanas), siya ay tumangging mapabilang sa (hanay ng) mga nagpatirapa. (Ang Allah ay) Nagsabi: “Ano ang pumipigil sa iyo (O Iblis) at (bakit) ikaw ay hindi nagpatirapa, nang ikaw ay Aking pag-utusan?” Siya (Iblis) ay sumagot: “Ako ay nakahihigit sa kanya (kay Adan), ako ay Iyong nilikha mula sa Apoy, samantalang siya ay Iyong nilikha mula sa putik (lamang).” (Ang Allah ay) Nagsabi: “O (Iblis) ikaw ay bumaba mula rito (sa Paraiso), hindi (marapat) para sa iyo na ikaw ay maging mapagmataas dito. Kaya, ikaw ay lumayas sapagka't ikaw ay nabibilang sa mga kaaba-aba.” (Ang Iblis ay) nagsabi: “Itulot sa akin ang (sandaling) palugit hanggang sa (pagsapit ng) Araw na sila (mga tao) ay ibabangon (sa Araw ng Pagkabuhay Muli).” (Ang Allah ay) nagsabi:“Ikaw ay kabilang sa mga binigyan ng (sandaling) palugit.” (Ang Iblis ay) Nagsabi :"Sapagka't ako ay Iyong hinayaang mapaligaw, katiyakan ako ay maghihintay na nakaabang laban sa kanila (sa mga tao) sa Iyong matuwid na landas. “At pagkatapos ako ay darating sa kanila mula sa kanilang harapan at sa kanilang likuran, mula sa kanilang kanan at mula sa kanilang kaliwa at hindi Mo matatagpuan ang karamihan sa kanila na mapagpasalamat.” (Ang Allah ay) Nagsabi (sa Satanas [Iblis]) ikaw ay lumayas mula rito (sa Paraiso) na hamak at kinamuhian. Sinuman sa kanila (sa sangkatauhan) ang sumunod sa iyo, katiyakang Aking pupunuin ang Impiyerno mula sa inyong lahat."Qur'an, Kabanata Al-A'raaf, 7:11-18;
Huwag kayong panghinaan ng loob at mawalan ng pag-asa sa pagsasagawa ng inyong tungkulin sa pagpapalaganap (Da'wah) sa Deen (Relihiyon) ng Allah , manapa'y ituring na ito ay malaking inspirasyon upang gawin ang lahat ng makakayanan sa pagpapalaganap ng Deen (Relihiyon) ng Allah .
-
Ipakita sa pag-uugali ang mga Islamikong kaugalian at kaasalan sa pang-araw-araw na pamumuhay; tulad ng pagtulong sa mga nangangailangan kakilala man siya o hindi at ang pakikipag-usap sa iyong mga kapatid nang masaya at may ngiti sa labi. Ang Propeta (s) ay nagsabi; "Ang pagngiti sa iyong mga kapatid ay itinuturing na isang kawanggawa, ang pag-anyaya sa paggawa ng mabuti at ang pagbabawal ng masama ay isang kawanggawa, ang pagtulong at pagturo ng daan sa mga naliligaw ay isang kawanggawa, ang paglingap sa mga bulag o may mahinang paningin ay isang kawanggawa, ang pag-alis ng tinik o bato sa dinaraanan ay isang kawanggawa, at ang paglagay ng tubig sa inuming lalagyan ng iyong kapatid ay isang kawanggawa." (Saheeh ibn Hibbaan)
Ang inyong mga pananamit at lahat ng inyong mga gamit ay dapat malinis. Ang isang Muslim ay nararapat na laging malinis, sapagka't ang inyong Deen (Relihiyon) ay Deen ng kalinisan. Ang Allah (y) ay nagsabi, "O mga anak ni Adan! Maglagay kayo ng palamuti (sa pamamagitan ng pagsusuot ng malinis na damit), habang nagdarasal…"Qur'an, Kabanata Al-A'raaf, 7:31;
Binibigyan-diin ng Islam na ang Muslim ay may pagkakaiba sa ibang relihiyon at pag-uugali. Ang Propeta Muhammad ay nagsabi; "Linisin ninyo ang inyong mga bakuran, sapagka't ang mga Hudyo ay hindi naglilinis ng kanilang mga bakuran." (Iniulat ni Al-Jaami)
Gawin ang lahat ng makakaya sa paggawa ng mga kabutihan, tulad ng pagbibigay ng kawanggawa, pagsasagawa ng mga kusang-loob na pagdarasal at iba pang uri ng gawaing pagsamba.
Kapag ang isang Muslim ay nagsasagawa ng mga nabanggit na kabutihan (sa itaas), ito ay nagsisilbing isang uri ng paglalarawan ng di-tuwirang Da'wah sa mga ibang Muslim na walang pagpapahalaga at walang pagmamalasakit sa kanilang Deen. Ito ay isa ring pagbibigay ng Da'wah sa mga di-Muslim sapagka't nagiging mapag-usisa sila sa mga magagandang aspetong nakikita nila sa pagsasakatuparan mo ng Islam. Sa gayon, sila ay nagkakaroon ng sigla o sigasig na mapag-alaman ang mga aral ng Islam.
Pakitunguhan nang maayos at mabuti ang inyong mga kamag-anak at huwag putulin ang ugnayang pangkamag-anakan kahit na sila ay laban sa inyong pagiging Muslim. Ang inyong ugnayan ay dapat na higit na maganda kaysa noong dati upang sa gayon ay kanilang maibigan ang inyong pamamaraan ng buhay (ang pagiging Muslim) sa ngayon at sila ay magiging malapit sa Islam. Kanilang mababatid na ang inyong pag-uugali ay higit na mabuti kaysa noon. Si Asmaa' (d) ay nagsabi; "Ang aking ina, na isang pagano sa panahon ng Propeta ng Allah, ay dumalaw sa akin, kaya tinanong ko ang Propeta ng Allah; 'Ang aking Ina ay nagnanais na makipagkita sa akin. Dapat ko bang ipagpatuloy ang aming ugnayan?' Siya ay sumagot; 'Oo, kailangan mong pangalagaan ang ugnayan ninyong mag-ina." (Iniulat ni Imam Bukhari)
-
Dapat malaman na ang hamon sa pagitan ng kabutihan at kasamaan ay mananatili hanggang sa Huling Araw. Ang kahinaan ng mga Muslim at ang lakas na pang-materyal ng mga di-Mananampalataya, ang pagkaminorya ng mga Muslim at ang pagdami ng mga di-Mananampalataya, ang sinasabing kawalang-kaunlaran ng buhay ng mga Muslim at ang pag-unlad ng mga di-Mananampalataya, ang pagiging mahina ng mga Muslim at ng pagiging malakas at may karangalan ng mga di-Mananampalataya; wala sa mga ito ang palatandaan na ang Islam ay walang katotohanan. Ito ay bunga lamang ng mga pagkukulang ng mga Muslim sa pagsasakatuparan ng mga alituntunin at kautusan ng kanilang Rabb (Panginoon) at ang kanilang pagtalikod sa pagsasagawa ng mabuti at ang pagkalimot sa pagtawag sa Allah . Si 'Umar ibn Al-Khattaab (d) ang pangalawang Khalifa (namumuo) ay nagsalaysay na si Propeta ng Allah (s) ay nagsabi; "Tayo ay mga mamamayang pinarangalan ng Allah U at binigyan ng lakas sa pamamagitan ng Islam. Kung tayo ay maghanap ng karangalan sa ibang pamamaraan, tayo ay hihiyain ng Allah U. Ang katotohanan ay dapat sundin sapagka't ito ang dahilan ng pagkakalikha Niya sa Paraiso at Impiyerno, at Siya ay nangako na Kanyang pupunuin ang bawa't isa nito (ng tao at jinn)."
-
Tandaan mga kapatid na tayo ay nasa huling panahon (ang Huling Araw ay nalalapit na), at bawa't taon na lumilipas, tayo ay lalong napapalapit sa wakas ng mundo at ang Oras ay malapit ng maganap. Ang Propeta (s) ay nagsabi; "Ang aking sarili at ang Oras ay naitatag tulad nitong dalawa, at itinaas na magkadikit ang kanyang hintuturo at ang kanyang gitnang daliri." (Iniulat ni Imam Bukhari)
Sinabi ng Propeta (s) ang kalagayan ng Islam (at ang mga Muslim) sa panahon na iyon, at sinabi; "Ang Islam ay nagsimula bilang isang kakaibang bagay, at ito ay babalik na kakaiba tulad nang una. Kaya naman ito ay magandang balita sa mga dayuhan." (Iniulat ni Imam Muslim)
Ang pagkakaroon ng maraming tagasunod ay hindi katibayan bilang patunay ng isang sistema o pamamaraan. At sinabi ng Propeta (s); "Magandang balita sa mga dayuhan! Magandang balita sa mga dayuhan! Magandang balita sa mga dayuhan!' May nagtanong; 'Sino ang mga dayuhan, O Propeta ng Allah? Siya ay sumagot, 'Sila yaong mga mabubuting tao sa gitna ng maraming masasamang tao. Ang mga taong sumusuway ay higit na marami kaysa sa mga taong masunurin." (Iniulat ni Imam Ahmed)
Ipinaliwanag din niya ang kalagayan ng mga Muslim kung ano ang magiging kahihinatnan ng mga taong gumagawa at tumatahak sa kanyang Deen (Relihiyon), at kung ano ang ibat-ibang itinakdang paghihigpit at pagbabawal na kanilang kinahaharap sa pagsasakatuparan ng kanilang Relihiyon, maging ito man ay pangpisikal at pang-kaisipan. Ang Propeta Muhammad (s) ay nagsabi; "Ipag-utos ang kabutihan at ipagbawal ang kasamaan, datapwa't kung inyong makita na ang kasakiman ay sinunod, at sinundan ng pagnanasa, at ang buhay ng mundong ito ay nagdudulot ng kasamaan sa mga tao, na ang mga tao ay nasisiyahan sa kanilang mga sariling haka-haka, magkagayon, nararapat na maging matatag sa sarili at hayaan yaong nag-aanyaya sa mga tao nang kabutihan sapagka't pagkaraan mo ay magkakaroon ng mga araw na ang pagiging matiisin sa kanila ay katulad ng pagsakmal ng mainit na uling. At ang isang taong gumagawa ng mabubuting gawain mula sa kanila ay makatatanggap ng gantimpalang katumbas ng limampung taong gumagawa ng gayong gawain." (Saheeh ibn Hibban)
Ipinaalam ng Propeta (s) at sinabi na kung ang 'Araw ng Pagbabangong-Muli' ay malapit na, ang Deen (relihiyon) ay unti-unti mawawala hanggang ito ay tuluyan nang maglaho. Walang taong nagsasabi ng 'Laa ilaaha ill-Allah' ang mananatili sa ibabaw ng mundo at ang mga taong pinakamasama lamang ang matitira, kaya sa sandaling iyon ay kanilang madarama ang (pagsapit ng) Huling Oras.
Sa isang mahabang Hadeeth, si Nawwaas ibn Sam'aan (d) ay naglahad ng kasaysayan ng Dajjaal (ang Bulaang-Kristo), ang pag-akyat sa langit ni Eessa ibn Maryam (Hesukristou), at ang pagdating ng 'Ya'ooj at Ma'jooj' (Gog & Magog) na nagsasabing; "…pagkatapos ang Allah ay magpapadala ng mabuti at dalisay na hangin na kukuha sa kanila mula sa ilalim ng kanilang mga kili-kili. Kukunin nito ang lahat ng mga Mu'min (mga ganap na mabubuting Muslim) at ang mga karaniwang Muslim, at ang mga pinakamasamang tao lamang ang maiiwan. Sila ay makikipagtalik sa harap ng mga tao na tulad ng mga asno at ang (hudyat ng Takdang) Oras ay darating sa kanila." (Iniulat ni Imam Muslim)
-
Dapat nating malaman na ang lahat ng mga pangyayari (o gawa) ay mahahatulan batay sa paraan ng kanilang nilayon. Kaya naman laging magsumamo (manalangin) sa Allah na nawa'y gawing matatag ang ating pananampalataya sa Islam at nawa'y kunin tayo ng Allah (y) na nasa mabuting kalagayan sa Huling Araw. Samakatuwid, kailangang tiyakin ng bawa't isa sa atin na ang ating mga salita at mga gawa ay para lamang sa Allah (y) , at nawa'y ang lahat ng gawain natin ay alinsunod sa Kanyang mga alituntunin, at gugulin natin ang mga nalalabing panahon sa pagsasagawa ng mga gawaing kinalulugdan at kinasisiyahan ng Allah (y) . Dapat nating bilangin ang lahat ng ating pagkakautang bago dumating ang Oras ng Pananagutan at nararapat din na makita ng Allah (y) ang mga bagay na Kanyang ipinag-uutos sa ating buhay at hindi ang mga bagay na Kanyang ipinagbabawal.
Dinadalangin ko sa Allah (y) na nawa'y lagi Niya tayong gabayan at gawing maging matatag sa pagsunod sa Kanyang Deen (Relihiyon) at nawa'y ipagkaloob Niya sa atin ang wakas ng buhay sa kalagayan ng isang mabuting Muslim. Ameen.