Ang Paniniwala sa 'Qadaa' at 'Qadar
Nararapat paniwalaan na nababatid ng Allah (y) ang lahat ng bagay bago pa man likhain ang mga ito at kung ano ang mangyayari o magiging kahihinatnan nila pagkaraan. Magkagayon, nilikha Niya ang lahat ayon sa Kanyang walang hanggang Kaalaman at Kasukatan (anyo, hubog, kulay, kalagayan at iba pa). Ang Allah (y) ay nagsabi, "Tunay na Aming nilikha ang lahat ng bagay na may kaukulang Qadar (tadhana na itinakda sa lahat ng bagay bago pa man sila likhain at ito ay nakatala sa Al-Lauh Al-Mahfouz, ang Iniingatang Talaan ng mga Gawa)." Qur'an, Kabanata Al-Qamar, 54:49;
Lahat ng pangyayaring naganap sa nakaraan, ang mga nangyayari sa kasalukuyan at ang mga mangyayari sa hinaharap ay ganap na nababatid ng Allah (y) bago pa man ito naganap. Pagkaraan, nilikha Niya ang lahat ng may buhay ayon sa Kanyang Kapahintulutan at Kasukatan. Ang Sugo ng Allah (s) ay nagsabi; "Ang isang tao ay hindi itinuturing bilang Muslim maliban na siya ay maniwala sa Qadar, ang mabuti at masamang kinahinatnan. Dapat niyang malaman na anuman ang nangyari sa kanya ay nakatakda at hindi ito maiiwasan o malalagpasan (samakatuwid, sadyang nakatakdang mangyari para sa kanya), at anuman ang kanyang (inaakalang) nalagpasan o naiwasan ay sadyang hindi nakatakda na mangyayari sa kanya." (Inilahad ni Tirmidhi)
Ang Paniniwala sa Qadar ay nangangahulugan ng Paniniwala sa apat na sumusunod:
Ang maniwala na lubos na nababatid ng Allah (y) ang lahat ng bagay na nangyayari at ang Kanyang Kaalaman ay nakapalibot sa lahat ng bagay at walang nakalingid sa Kanya (a) kailanman.
Ang maniwala na naitala na ng Allah (y) ang lahat ng bagay na mangyayari at ito ay pinangangalagaan at iniingatan sa 'Al-Lawh Al-Mahfuz' (Ang Iniingatan Talaan). Ang ay nagsabi; "Ang unang nilikha ng Allah ay ang Panulat, at sinabi dito, "Ikaw ay magsulat…" at sumagot, 'Ano ang aking isusulat?' "Isulat mo ang lahat ng mangyayari hanggang sa Araw ng Pagkabuhay Muli." (Iniulat ni Abu Dawood)
Ang maniwala na walang pangyayari ang magaganap sa mga kalangitan o maging sa kalupaan maliban na ito ay sa Kapahintulutan ng Allah (y) at anuman ang hindi Niya pinahintulutan ay hindi magaganap o mangyayari
Ang maniwala na ang Allah (y) ang Siyang lumikha sa lahat ng bagay. Walang ibang Manlilikha bukod sa Kanya, o walang ibang Rabb (Panginoon) bukod saKanya (a).
Ang paniniwalang ito ay hindi sumasalungat sa katotohanan na ang isang tao ay nararapat na magpunyagi upang makamtan niya ang kanyang minimithi. Upang maipaliwanag ito, kung ang isang tao ay nagnanais na magka-anak, kinakailangan niyang gawin ang mga bagay na nararapat upang makamtan niya ang kanyang minimithing layon; tulad halimbawa na siya ay dapat na mag-asawa. Pagkaraang magawa niya ang lahat ng nararapat gawin, siya ay maaaring pagkalooban ng anumang kanyang nais o hindi. Sa ganitong dahilan, ang tao ay makapag-iisip na kung ano ang kanyang ginawa upang makamtan ang kanyang minimithing layunin, ito ay hindi sapat o tunay na dahilan bagkus ang katuparan ng minimithing layunin ay nasa kapahintulutan ng Allah (y) . At ang tunay na katuparan ng ating mga layunin ay nakapaloob sa Takda ng Allah (y) . Ang Propeta (s) ay nagpaliwanag nang magtanong ang kanyang mga Sahaabah; "'O Sugo ng Allah, ang mga Ayat (talata) ng Qur'an na aming binibigkas at ang aming mga panalangin at ang mga gamot na aming iniinom para sa aming lunas ay magpapabago ba sa Qadar ng Allah? Siya ay sumagot, 'Ang mga ito ay mula sa Takda (Qadar) ng Allah.'" (Iniulat ni Hakim)
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Qadaa at Qadar
-
Higit na maging matibay at matatag ang pagtitiwala sa Allah (a) (sa pag-asang makamtan ang mga minimithi) pagkaraang magampanan ang lahat ng pamamaraan.
-
Matututong tanggapin nang buong puso ang anumang nangyayari at ito ang nagbibigay ng kapanatagan sa puso at kasiyahan ng kaluluwa. Walang maiiwang bagabag, pag-alaala at kalungkutan na madarama sa anumang maging bunga ng mga pangyayari. Ang Allah (y) ay nagsabi, "Walang sakuna (o masamang pangyayari) ang magaganap sa mundong ito at maging sa inyong mga sarili, maliban na ito ay nauna ng naitala sa Aklat ng Tadhana (Al Lauh Al Mahfuz) bago pa Namin pahintulutang ito ay maganap. Katotohanan, ito ay sadyang magaan sa Allah. Upang kayo ay hindi maghinagpis sa mga bagay na hindi ninyo nakamtan, gayon din naman, huwag ipagyabang ang (mga biyayang) ipinagkaloob sa inyo. Hindi ninanais ng Allah ang mga mayayabang (at nagmamagaling)." Qur'an, Kabanata Al-Hadeed, 57:22-23;
-
Magiging madaling maglaho ang anumang nadaramang sakit na dulot ng mga sakuna o masasamang pangyayari. Ang Propeta Muhammad (s) ay nagsabi; "Ang malakas na Mananampalataya ay higit na minamahal ng Allah kaysa sa isang mahinang Mananampalataya bagama't ang bawa't isa ay may kabutihan. Ikaw ay maging masigasig sa anumang bagay na may pakinabang at hanapin ang tulong ng Allah at huwag maging pabaya sa paggawa. At kung may pinsalang dumating sa iyo, huwag mong sabihin ang, 'kung ginawa ko sana ang ganito, walang nangyaring di-maganda'. Datapwat sabihin ang: 'Ito ang Takda (Qadaar) ng Allah, na anuman ang nais Niyang mangyari ito ay magaganap (Qadarullah wa maa shaa fa'al),' sa katotohanan, ang salitang 'kung o sana' ay magbubukas sa daan ng Satanas." (Iniulat ni Muslim #2664)
-
Nadaragdagan ang gantimpala at nababawasan ang kasalanan. Ang Propeta (s) ay nagsabi; "Walang Muslim na napapagod, nagkakasakit, nababagabag, nag-aalala o nababalisa, nalulungkot, at hindi inaalintana ang tinik na nakakatusok sa kanya maliban na ang mga ito ay nakababawas ng kasalanan." (Iniulat ni Imam Bukhari)
Ang paniniwala sa Qadar ay hindi tulad ng iniisip ng iba na nagtitiwala (o umaasa) sa nguni't hindi nagsisikap o nagtatangkang tuparin ang mga pamamaraan sapagka't Ang Propeta (s) ng Allah ay sumagot sa isang taong nagtanong sa kanya s); "'Hahayaan ko na lamang ba na di-nakatali ang aking kamelyo at magtiwala na lang ako sa Allah? Ang sabi ng Propeta, 'Itali mo at magtiwala ka sa Allah.'" (Saheeh ibn Hibbaan)